Patuloy na binabantayan ng Barangay Longos ang sitwasyon sa mga mabababang lugar nito sa gitna ng banta ng patuloy na pag-ulan at posibleng pag-apaw ng Sinucalan River.
Ayon kay Barangay Chairman Joseph Uson, kahapon ay naka-monitor sila sa Sitio Caranto kung saan umabot na sa isang metro ang lalim ng tubig.
Bagama’t sa ngayon, wala pang inililikas na residente, ngunit puspusan ang paghahanda sakaling lumala ang sitwasyon.
Sa nagyon ay nasa 180 pamilya sa dalawang sitios ang binabantayan ng barangay dahil sa matinding pag-ulan.
Sakaling kailanganin naman aniya ng force evacuation, handa na ang mga evacuation site gaya ng school building at barangay hall.
May mga nakatalaga din na barangay kagawad at tanod sa bawat distrito na naka-standby para sa agarang aksyon at tulong sa mga residente.
Hinimok naman ni Uson ang mga residente na huwag mag-atubiling lumapit sa barangay kung kinakailangan ng tulong.
Samantala, nanatili naman sa mga evacuation center ang anim na pamilya o 20 indibidwal sa bayan ng Calasiao dahil sa patuloy na pagbaha dulot ng pag-apaw ng Marusay River at malakas na pag-ulan.
Matatandaan na nasa 17 barangay na ang apektado ng pagbaha habang 4 na barangay naman ang mayroong evacuees gaya ng mga barangay ng Talibaew, Gabon, Poblacion East, at Lasip kung saan nasa mga designated barangay evacuation center at sa Regional Evacuation Center.
Kabilang sa mga nagsilikas ang pamilya ni Amelia Alejandro Dioquino ng Barangay Gabon.
Aniya na lagpas dibdib na ang tubig sa kanilang lugar, kaya’t kinailangang lumikas para sa kaligtasan ng kanilang mga anak.
Kaunting gamit lamang ang kanilang nadala, at nabasa pa ang ibang kagamitan nila sa bahay dahil sa pagbaha.
Sa kabilang banda, ayon kay Susanna April Catunga-Pineda, Social Worker Officer II ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), patuloy ang kanilang paghahanda ng mga food and non-food packs items para sa mga apektado.
Inaasahan nilang madadagdagan pa ang bilang ng mga evacuees kung magpapatuloy ang ulan.
Samantala, Nakapagbigay naman na sila ng mga pangunahing pangangailangan sa mga lumikas habang patuloy rin ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan at MDRRMO sa mga residente ng bayan at inaalalayan nila ito para sa karapatang tulong.