Dagupan City – Pinaghahanda ng mga awtoridad ang mga residente, lalo na ang mga nakatira sa mabababang lugar, sa posibleng pagtaas ng baha matapos umabot sa 7.30 meters above sea level (MASL) ang Sinocalan River alas-5 ng madaling araw noong Agosto 8, 2026.

Dahil downstream ang Dagupan City, patuloy na dumadaloy patungo sa lungsod ang tubig mula sa matataas na lugar sa Sinucalan-Pantal River system. Dahil dito, posible pa ring tumaas ang tubig sa mga flood-prone area kahit humina o tumigil na ang pag-ulan.

Patuloy din ang monitoring sa pagpapakawala ng tubig mula sa Ambuklao at Binga Dam patungo sa San Roque at Agno River system. Sa kasalukuyan, nananatiling sarado ang mga gate ng San Roque Dam.

--Ads--

Pinapayuhan ang mga residente na ihanda ang emergency kit, ilagay sa mataas na lugar ang mahahalagang gamit at dokumento, at regular na bantayan ang antas ng tubig sa kanilang lugar.

Hinihikayat din ang publiko na agad sumunod sa abiso ng mga awtoridad at huwag nang hintaying lumalim ang baha bago lumikas. Naka-standby at patuloy na nagmomonitor ang Dagupan PNP, lokal na pamahalaan, CDRRMO at mga BDRRMO para sa kaligtasan ng mga residente.