DAGUPAN CITY- Isinagawa ang isang open pop-up community mural activity sa Dagupan City bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month, kung saan nagtipon ang mga lokal na alagad ng sining upang ipakita ang kanilang malikhaing kakayahan at sabay na bigyang-buhay ang kasaysayan ng lumang Oriental Hotel na matatagpuan sa MH Del Pilar St., Brgy. Mayombo.

Ayon kay Sylvester Salcedo, siyang nanguna sa aktibidad, inimbitahan ang mga visual artists mula sa mga propesyonal hanggang sa mga mag-aaral upang malayang lumikha ng sining sa walong mural panels na inihanda para sa proyekto.

Layunin ng aktibidad na hikayatin ang malawak na partisipasyon ng komunidad at palakasin ang ugnayan ng mga artists sa lungsod.

--Ads--

Aniya na bahagi ng mga likhang-sining ang mga temang may kaugnayan sa Hotel, isang makasaysayang gusali sa Dagupan City na pinatakbo ng pamilya ni Salcedo noong unang bahagi ng 1900s hanggang bago ang World War II.

Bagama’t matagal nang hindi ginagamit, umaasa siya na muling mapukaw ang interes ng lokal na pamahalaan at mga institusyong pangkasaysayan upang ito ay maipreserba at maibalik bilang National Heritage Building.

Ipinunto rin ni Salcedo na mahalagang bahagi ng kasaysayan ng Dagupan City ang Hotel dahil nagsilbi itong pangunahing pahingahan ng mga manlalakbay noong ang lungsod ang huling hintuan ng riles mula Maynila bago magtungo sa Baguio at mga karatig-bundok.

Dahil dito, naging inspirasyon ito ng ilang artistang lumahok sa mural project.

Dagdag pa niya, bukod sa pagbibigay-daan sa malikhaing ekspresyon, layon din ng aktibidad na palakasin ang diwa ng pagkakaisa ng mga Dagupeno at karatig-bayan sa ilalim ng temang pagkakakilanlan at pagmamalasakit sa kultura.

Hinikayat ni Salcedo ang kabataan na huwag mahiyang makisalamuha at makipag-ugnayan sa kapwa artist bilang paraan ng paglinang ng talento at koneksyon sa komunidad.