Tinatayang tumaas sa P4 kada kilowatt hour ang dagdag-singil sa kuryente sa buwan ng Abril, ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC).
Ipinaliwanag ni ERC chair at CEO Francis Saturnino Juan na sa isinagawang simulation ng Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) base sa trend ng presyo ng langis, lumalabas ang potensiyal na pagtaas ng P2 hanggang P4 per kWh.
Malibans sa epekto ng mga pag-atake sa oil-producing region, ikinonsidera rin dito ang mas mataas na demand sa panahon ng tag-init at posibleng outages sa mga planta ng kuryente.
Ipinapakita rin ng simulation na inaasahang sunod na magtataas ng presyo ang thermal generator kasabay ng pagtaas ng presyo ng langis bilang parte ng cost recovery.
Nauna na ring sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na maaaring magresulta ang geopolitical tension sa 16% na pagtaas sa electricity rates. VIA Everly Rico










