Bumaba ang singil sa kuryente ng Dagupan Electric Corporation ng 40 centavos ngayong Enero 2026.
Ayon kay Atty. Randy Castilan, Chief Operating Officer ng DECORP, ang average kilowatt hour selling rate ngayon ay nasa P9.30/kWh kung saan mas mababa sa P9.70/kWh noong Disyembre.
Aniya, ito ay dahil karaniwang mababa ang demand sa kuryente kapag malamig ang panahon at mababa din ang singil sa merkado kaya’t bumababa rin ang presyo.
Saad nito na inaasahan naman ang pagtaas ng demand ng kuryente sa tag-init, ngunit umaasa ang DECORP na mapapababa ito ng mga bagong generating plants at ancillary services ng NGCP.
Saad niya na malaking tulong ito sa mga konsumers lalo na sa mga ordinaryong indibidwal na gumagamit ng hindi gaanong mataas na konsumo.
Pagbabahagi pa nito na mas mababa ang singil ngayon kumpara sa ibang utilities at sa mataas na presyo na P10-11 per kWh noong nakaraang tag-init taong 2025.
Gayunpaman, pinapayuhan pa rin ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente para mapanatili ang supply at makontrol ang konsumo, kahit na mas mura ang singil ngayon.
Inaasahan na ang mababang singil ay aabot hanggang sa buwan ng pebrero ngunit nakadepende umano sa magiging lagay ng klima at panahon sa demand ng kuryente.
Samantala, ikinatuwa naman ni Fidel Zamora, konsumer ng kuryente sa Dagupan na nakatipid umano siya ng nasa mahigit 2000 pesos dahil sa mababang singil sa ngayon.
Saad niya na dahil sa malamig din na panahon mas nakakatipid sila ng kuryente kaya nababawasan ang kanilang konsumo na nagdudulot ng mababang bayarin.










