Bumaba ng ₱0.46 kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa kuryente ngayong buwan ng Hunyo.
Gayunman, inaasahang mananatiling mataas ang konsumo ng kuryente dahil sa patuloy na mainit pa rin ng panahon, sa kabila ng nararanasang pag-ulan.
Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz – General Manager, CENPELCO kapag natanggap ng mga consumer ang kanilang June 2025 billing, makikita na rito ang reflected na bawas-singil, at maikukumpara ito sa bill noong nakaraang buwan upang makita ang aktwal na epekto ng pagbaba ng rate.
Saad niya, ngayong Hunyo ay naitala ang pagbaba ng demand sa kuryente, kasunod ng pinakamataas na demand na naitala noong Mayo kung saan sumirit sa 138 megawatts ang load demand.
Ngayon ay nasa 118 hanggang 115 megawatts na lamang ito, indikasyon ng unti-unting paglamig ng panahon bunsod ng nararanasang pag-ulan.
Kasabay nito, tuloy-tuloy rin ang pagpapalit ng mga lumang poste ng kuryente upang maiwasan ang posibleng pagsabog o pagkasira ng mga ito, lalo na kapag may malalakas na hangin o bagyo.
Ipinaliwanag din niya na ang panandaliang pagkawala ng kuryente na nararanasan sa ilang lugar ay bahagi ng maintenance at hindi ito agad-agad nakaaapekto sa kabuuang konsumo ng kuryente ng bawat kabahayan.
Samantala, nagpaalala naman ito sa publiko na magtabas ng mga punong kahoy at siguraduhing malayo ito sa mga linya ng kuryente upang maiwasan ang aberya.
Hinihikayat din niya ang mga residente na agad ipagbigay-alam sa kanilang opisina kung sakaling may sangang maaaring tumama sa mga linya ng kuryente, upang sila ay agad na makaresponde at makaiwas sa aksidente.