DAGUPAN, City- Wala pang naitatalang mga sindikato na nagpapagana ng child labor sa buong rehiyon uno.

Ayon kay Lee Ann Rose Aragon, Project Development Officer II ng Strategic Help Desks for Information, Education, Livelihood, and other Developmental Interventions o SHIELD Program ng Department of Social Welfare Office o DSWD Region I, batay sa mga datos mula sa mga Local Government Unit (LGU) ay hindi naman nila nakitaan ng anumang aktibidad ang anumang sindikato na gamitin ang mga bata sa mga illegal na pagtatrabaho o pagpapalimos.

Aniya, ang kadalasang mga trabaho ng mga kabataan na nauugnay sa child labor ay naiuugnay sa pangingisda, pagsasaka, pagtatambak sa mga palaisdaan, tour guide, ambulant vendor, nagtitinda sa bahay bahay at mga nasa construction labor.

--Ads--

Sa ngayon ay nasa 111 na benepisaryo ang nasa ilalim ng SHIELD Program.

Dagdag pa rito, mariing nakasaad sa Republic Act 9231 o Anti-Child Labor Law na ang sinumang magulang o recruitment agency na lumabag sa mga boluntaryo o sapilitang pagpapatrabaho sa mga kabataan ay haharap sa 6 na buwan hanggang sa 6 na taon na pagkakakulong, habang may multang 50,000 pesos depende sa hurisdiksyon ng korte. Habang ang mga magulang ay maglalaan ng 1 buwang hanggang 1 taon na community service.