Nailipat na sa isang museo ang sinaunang kalansay mula India na may edad isang libong taong gulang makalipas ang anim na taon mula nang mahukay.

Ang kalansay ay naiwan lamang sa loob ng isang di-protektadong toldang tarpaulin malapit sa lugar ng paghuhukay sa kanlurang bahagi ng estado ng Gujarat mula pa noong 2019 dahil sa mga alitan sa burukrasya.

Kamakailan ay inilipat ito sa isang lokal na museo, ilang milya lamang mula sa pinaghukayan nito.
Ayon sa mga awtoridad, ito ay ididisplay sa publiko matapos makumpleto ang administrative procedures

--Ads--

Ayon kay Mahendra Surela, tagapangasiwa ng Archaeological Experiential Museum sa Vadnagar kung saan inilipat ang kalansay, ang paglilipat sa kalansay ay isinagawa na may lubos na pag-iingat at sa ilalim ng pangangasiwa ng ilang eksperto.

Samantala, susuriin muna ng mga opisyal ng Archaeological Survey of India (ASI) ang kalansay bago magpasya kung saan at paano ang puwesto nito sa museo.

Sa kasalukuyan, ito ay nakalagay sa tabi ng reception at pinalilibutan ng isang protektibong harang.

Ayon kay Abhijit Ambekar, ang arkeologong nakadiskubre ng kalansay, masaya siya na sa wakas ay nabibigyan ng kaukulang pansin ang mahalagang natuklasan.

Bibihira umano ang ganitong uri ng tuklas, sapagkat tatlong lugar lamang sa India ang may kaparehong natuklasan.

Ayon sa mga eksperto, malamang na ang kalansay ay mula pa sa panahon ng Solanki.

Ang dinastiyang Solanki, na kilala rin bilang Chaulukya dynasty, ay namuno sa bahagi ng kasalukuyang Gujarat mula 940 hanggang 1300 CE.