Pinabulaanan ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation, na hindi ganap na totoo ang ulat na nawalan ng P1.7 trilyong halaga ang mga mamumuhunan sa Philippine Stock Market sa loob lamang ng tatlong linggo dahil umano sa katiwaliang sangkot sa mga kuwestiyonableng proyekto sa kontrol ng baha.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Africa na iilan lamang ang may investment sa stock market, at ang sinasabing P1.7 trilyon ay hindi pera ng buong bansa, kundi pera ng ilang daang libong mayayamang indibidwal.

Batay sa datos, sa mahigit 110 milyong Pilipino, tinatayang wala pang isa’t kalahati hanggang dalawang milyon ang rehistradong investor sa Philippine Stock Exchange, at halos kalahating milyon lamang ang aktibong namumuhunan.

--Ads--

Paliwanag ni Africa, wala pa sa dalawang porsyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang may investment sa stock exchange, kaya’t hindi ito dapat ituring na indikasyon ng epekto sa ekonomiya ng buong bansa.

Dagdag pa niya, hindi lamang ang Pilipinas ang nakaranas ng pagbagsak sa stock market nitong mga nakaraang taon; kabilang din dito ang mga bansa tulad ng Indonesia, Thailand, at Taiwan.

Matatandaang inihayag ng Securities and Exchange Commission (SEC) na nawalan ng P1.7 trilyong halaga ang mga mamumuhunan sa Philippine stock market sa loob lamang ng tatlong linggo. Ayon kay SEC Chairperson Francis Lim, ang iskandalo sa bilyong pisong proyektong flood control ay yumanig sa tiwala ng publiko at ngayon ay nakaapekto na sa pangkalahatang pananaw sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.