Buong suporta ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pagpapatupad ng Minimum Suggested Retail Price (MSRP) para sa karneng baboy, upang matiyak na makikinabang ang mga mamimili sa mas abot-kayang presyo.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng SINAG, makatuwiran ang pagpapatupad ng MSRP lalo na kung susundin ang napagkaisahang gastusin sa produksyon.

Inihalintulad niya ang kasalukuyang sitwasyon sa nakalipas na buwan ng Marso, kung kailan mataas ang gastos ng hog raisers, dahilan upang tumaas ang presyo ng baboy.

--Ads--

Dagdag pa niya, naapektuhan din ang presyo ng karneng baboy dahil sa pagdagsa ng murang imported meat, kaya makabubuti na mapakinabangan ng mga konsumer ang mas mababang halaga sa merkado.

Ayon kay Cainglet, katanggap-tanggap ang presyo para sa industriya at makatwiran para sa publiko.

Tiniyak din ng SINAG na hindi magiging problema ang suplay kahit tumaas ang demand ngayong Kapaskuhan.

Giit niya, hirap makabenta ang hog raisers dahil kapos sa budget ang maraming mamimili, kaya’t sapat na sapat ang kasalukuyang stocks.

Sa kabila nito, itinutulak ng grupo na magkaroon din ng floor price na ₱210 sa farmgate level.

Aniya, sa kasalukuyang ₱180, bawi gastos lamang ang mga magbababoy at may pagkakataong nalulugi pa.

Nanawagan naman siya ng mahigpit na pagpapatupad ng MSRP.

At tiwala ang SINAG na sa maayos na implementasyon, parehong makikinabang ang mga mamimili at ang lokal na industriya ng karneng baboy.