DAGUPAN, City- May puso at mabilis sa pagtugon sa mga hinaing ng mga magsasaka.
Ganito inilarawan ni Engr. Rosendo So, ang Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) si Senador Imee Marcos na kanilang napipisil na maaring humalili bilang bagong kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni So na sa mga nakalipas na mga ginawa ng Senador sa mga pagdinig kaugnay sa agricultural smuggling at sa pag-asikaso sa fertilizer subsidy, nakita umano nila ang puso at malasakit niya para sa mga magsasaka.
Aniya, mabilis din umano matutugunan ito ni Sen. Imee lalo na at malapit ito sa Pangulong Ferdinand Bong Bong Marcos bilang kanyang nakakatandang kapatid.
Maliban pa rito, dahil din sa ilang mga ginawa ng naturang senador ay maibibigay na rin ngayong buwan ng Pebrero ang subsidiya ng pataba para mga tanim ng mga magsasaka sa bansa.
Kaya naman ayon kay So, kung sakaling walang problema sa Saligang Batas ang appointment kay Sen. Imee bilang bagong kalihim ay siya umano ang sa ngayo’y mainam na tumayo para sa naturang ahensiya.