DAGUPAN CITY– Kontento si Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG Chairman Engr. Rosendo So sa naging aksyon ng Provincial Government matapos na makapasok ang African Swine Fever o ASF sa Pangasinan.

Itoy matapos na makapuslit ang ilang mga baboy mula Bulacan sa bayan ng Mapandan dito lalawigan na positibo sa ASF.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay So, maituturing na “very quick action” ang ginawa ng Provincial Government dahil matapos malaman na positibo sa ASF ang mga naipuslit na baboy ay agad na isinagawa ang pagpatay at pagbaon sa mga naapektuhang hayop sa lugar.

--Ads--

Sa hiwalay namang pahayag ni Provincial Legal Officer Atty. Geraldine Baniqued sinabi nito na kailangang ipatupad ng lokal na pamahalaan  ang pagpatay sa mga alagang baboy  bilang bahagi ng protocol ng Department of Agriculture para tuluyang makontrol ang pagkalat ng ASF virus sa nasabing bayan.

Inihayag din nito na ikinalungkot ni Pangasinan governor Amado “Pogi” Espino III ang paglabas ng findings na apektado ng African Swine fever ang mga nakumpiskang mga baboy na galing Bulacan sa bayan ng Mapandan.