May nakikitang pattern ang Simbahang Katolika sa nangyayaring mass hysteria o insidente ng pagsanib ng masamang espirito sa mga estudyante sa buong bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fr. Oscar Roque ng St. Thomas Aquinas Parish Church sa bayan ng Mangaldan, nagtataka ito dahil tuwing papalapit ang paglabas ng grades sa first period ng mga mag-aaral ay nagkakaroon ng mga ganitong pangyayari sa Luzon Visayas at Mindanao.

Bagama’t hindi nito isinasantabi ang posibilidad na totoo ang mga nangyaring pagsanib sa mga estudyante, ipinapaalala nito na maging maingat dahil may mga paraan naman para malaman kung pinepeke lamang ito.

--Ads--

Posible naman aniya na maging biktima ng demonic possession ang mga kabataan na mababa ang self-esteem, nawawala sa sarili at hindi kayang ihandle ang sarili.

Mababatid na noong huling linggo ng Hunyo ay binalot ng takot ang mga estudyante ng Bunyasan National High School sa bayan ng Malimono, Surigao del Norte pati ang kanilang mga magulang at mga guro matapos umanong saniban ang 14 na mga mag-aaral. Habang umabot naman ng 20 mag-aaral ang sinaniban din umano ng Father Gratian Murray Integrated School sa Barangay Granada, Bacolod City noong Martes. Kahapon naman ay umabot sa 13 estudyante ng Estanza National High School sa bayan ng Lingayen, Pangasinan ang nagwala matapos na umano’y sapian ng masamang espiritu sa loob ng kanilang paaralan.