DAGUPAN CITY- Patuloy ang panawagan ng Simbahang Katolika para sa masusing pagbibigay-kaalaman sa publiko kaugnay ng planong pagpapatayo ng nuclear power plant sa bayan ng Labrador, Pangasinan, dahil sa mga posibleng panganib nito sa kaligtasan, kalikasan, at kinabukasan ng susunod na henerasyon.

Ayon sa Diocese of Alaminos sa pangunguna ni Bishop Napoleon Sipalay Jr., OP, DD, nasa yugto pa lamang ng pagbibigay-impormasyon ang usapin at mahalagang mailahad hindi lamang ang mga sinasabing benepisyo ng proyekto tulad ng mas murang kuryente at kaunlaran, kundi pati ang mga posibleng masamang epekto nito sa pangmatagalan.

Ipinunto ng obispo na bagamat kinikilala ng Simbahan ang pangangailangan ng kaunlaran, hindi ito maaaring isulong kung kapalit naman ang panganib sa buhay, kalusugan, at kapaligiran.

--Ads--

Isa sa mga pangunahing binibigyang-diin ng Simbahan ang usapin ng kaligtasan, lalo na’t kinikilala mismo ng mga nagsusulong ng proyekto ang pagdaan ng isang fault line sa Labrador.

Bagamat may pangako umanong makabagong teknolohiya, nananatili ang posibilidad ng sakuna batay sa mga umiiral na pag-aaral, na maaaring makaapekto hindi lamang sa Labrador at Kanlurang Pangasinan kundi maging sa mga karatig-lugar tulad ng Zambales at La Union sakaling may mangyaring aberya.

Giit ng Simbahan, mahalagang isaalang-alang ang tinatawag na intergenerational justice o katarungan para sa susunod na henerasyon.

Ayon dito, kung ang nuclear waste ay mananatili sa lugar sa loob ng libu-libong taon, ang mga kabataan at mga susunod pang salinlahi ang magdadala ng bigat ng desisyong ginagawa sa kasalukuyan.

Dahil dito, hinihikayat ang publiko na huwag lamang tingnan ang panandaliang benepisyo kundi ang pangmatagalang epekto sa kinabukasan ng bayan at lalawigan.

Sa halip na nuclear energy, patuloy na isinusulong ng Simbahan ang paggamit at masusing pag-aaral sa renewable sources of energy na mas ligtas at mas angkop sa kondisyon ng Pilipinas.

Hinikayat din ang mga opisyal ng pamahalaan na panigan ang mas maingat at makataong desisyon para sa kapakanan ng mas nakararami, lalo na ng mahihirap at pinakaapektado.

Nagsagawa rin ang simbahan ng signature campaign for anti-nuclear power plant, at motorcade upang isulong ang kanilang panawagan.

Sa huli, iginiit ng Diocese of Alaminos na ang paninindigan ng Simbahan ay nakaugat sa pangangalaga sa tao at kalikasan, at sa pagsusulong ng kabutihang panlahat. Ayon dito, ang pagtatanggol sa karapatan ng mamamayan at sa kinabukasan ng susunod na henerasyon ay bahagi ng mas malawak na misyon ng Simbahan sa pagtataguyod ng katarungan at malasakit sa lipunan.

Samantala, hindi rin sang-ayon din ang mga residente mula sa karatig-bayan sa pagpapatayo ng nuclear power plant sa Pangasinan.

Ayon kay Noly Soriano, Radiation Therapist, makaaapekto ang nuclear plant sa kalusugan ng mga mamamayan.

Kaisa rin ng simbahan ang Kabataan Partylist Pangasinan.

Ayon kay Angelo Tejoso, Coordinator, ang pagpapatayo ng nuclear power plant ay maaaring panibagong pagmulan o pag-ugatan ng korapsyon sa bayan, dahil aniya ay mahal ang gugugulin sa gagawing nuclear power plant at makaaapekto rin sa kalusugan at kalikasan.

Sa kabuuan, patuloy na umiigting ang diskurso hinggil sa planong pagpapatayo ng nuclear power plant sa Labrador, Pangasinan, kung saan malinaw na nangingibabaw ang panawagan para sa mas malawak, malinaw, at balanseng pagbibigay-kaalaman sa publiko.

Sa pangunguna ng Simbahan, katuwang ang ilang sektor ng komunidad, mga eksperto, at grupo ng kabataan, binibigyang-diin ang kahalagahan ng paglalagay sa sentro ng anumang desisyon ang kaligtasan ng mamamayan, pangangalaga sa kalikasan, at katarungan para sa susunod na henerasyon.

Habang kinikilala ang pangangailangan ng kaunlaran at sapat na suplay ng enerhiya, iginiit ng mga tumututol na hindi ito dapat isulong kung magdudulot ng pangmatagalang panganib at pasanin sa hinaharap.

Sa huli, nananatiling hamon sa pamahalaan at sa mamamayan ang masusing pagtitimbang sa lahat ng aspeto ng proyekto upang matiyak na ang anumang hakbang ay tunay na magsisilbi sa kabutihang panlahat.