DAGUPAN CITY- Pinaiigting ang maayos na pamamalakad sa Barangay Buenlag, bayan ng Calasiao upang matiyak ang maganda’t maayos na serbisyo sa mga residente

Ayon kay Barangay Captain Edwin Paragas, sa loob ng mahigit dalawang taon, sunod-sunod na proyekto na ang kanilang naisakatuparan.

Isa sa mga naging susi ng kanilang tagumpay ay ang aktibong pakikipag-ugnayan sa mga residente upang tukuyin ang mga pangangailangan at agad itong matugunan.

--Ads--

Regular aniyang kinakausap ang mga mamamayan upang malaman ang mga problemang nararanasan at makahanap ng mabilis na solusyon.

Sa aspeto ng serbisyo publiko, naka-duty 24/7 ang tatlong miyembro ng CVO at isang kagawad ng barangay, habang ang Barangay Social Worker naman ay may regular na oras mula 8 AM hanggang 5 PM.

Dahil dito, may mga taong maaaring lapitan anumang oras kung sakaling magkaroon ng problema sa barangay.

Aniya na pinaiigting din ang seguridad sa komunidad.

Katuwang ng mga konsehal at CVO ang mga opisyal sa pagbibigay ng proteksyon, lalo na sa mga paaralan kung saan agad silang nakakatugon sa mga aksidente o insidente.

Dagdag pa niya na isa sa mga pinaglalaanan ng pansin ay ang modernisasyon ng CCTV system sa barangay.

Ayon kay Kapitan Paragas, na-upgrade na ang ilang units at may nakahanay na dagdag pang kamera kasabay ng pagsasaayos ng mga wiring.

Bahagi ng proyekto ang regular na pagpapalit ng mga kable kada anim na buwan upang mapanatili ang malinaw na kuha ng mga footage.

Tinitiyak din ang maayos na maintenance ng sistema.

Samantala, mahalaga umanong nakikita at nararamdaman ng mga tao ang mga pagbabagong nagaganap sa kanilang barangay.

Layunin nilang mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na serbisyo at tapat na pamumuno.