Nanatiling nasa ilalim ng Signal No. 2 ang Batanes habang bumibilis ang galaw ng Typhoon Inday patungong hilagang-kanluran, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sa inilabas na tropical cyclone bulletin ng PAGASA dakong alas-11 ng gabi, inaasahang makararanas ang Batanes ng malalakas na hangin na nasa 62 hanggang 88 kilometro kada oras sa loob ng susunod na 24 oras.

Taglay ng bagyong Inday ang lakas ng hanging umaabot sa 140 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugso na aabot sa 170 kilometro kada oras. Kumikilos sa direksyong pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

--Ads--

Inaasahang lalabas ng Philippine Area of Responsibilities (PAR) ang bagyo ngayong Sabado ng umaga, Hulyo 11, 2026.

Nakataas naman ang Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar:

Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands;
Hilagang-silangang bahagi ng Isabela, kabilang ang Santa Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Santo Tomas, Delfin Albano, Tumauini, Ilagan City, Divilacan, at Palanan;
Apayao; at
Hilaga at gitnang bahagi ng Ilocos Norte, kabilang ang Piddig, Bangui, Vintar, Burgos, Pagudpud, Bacarra, Adams, Pasuquin, Carasi, Solsona, Dumalneg, at Nueva Era.
Sa ilalim ng Signal No. 1, maaaring makaranas ang mga nabanggit na lugar ng hanging nasa 39 hanggang 61 kilometro kada oras sa loob ng 36 oras, o mga panaka-nakang pag-ulan.

Ayon sa state weather bureau makararanas din ng matinding pag-ulan na aabot sa 100 hanggang 200 millimeter mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng gabi ang Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, at Antique.

Habang inaasahan din ng weather bureau ang 50 hanggang 100 millimeter na ulan sa Metro Manila, Bulacan, Pampanga, Tarlac, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, at Negros Oriental.

Dahil dito posibleng bahain ang mga mabababang lugar at malapit sa mga ilog, gayundin ang posibleng landslide sa mga lugar na mataas ang panganib.