DAGUPAN CITY- Nagbibigay ng pangamba sa mga OFW ang kasalukuyang nangyayaring sigalot sa pagitan ng Thailand at Cambodia ukol sa border area.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rinse Galupo, Bombo International News Correspondent sa Thailand, inilahad niyang bagama’t malayo ang kanilang kinalalagyan mula sa aktuwal na hangganan ng Thailand at Cambodia, ramdam pa rin ng mga mamamayan roon ang tensyon at epekto ng lumalalang sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.

Aniya, nadulog na sa international community ang girian ng Thailand at Cambodia, at umaasa ang marami na magkakaroon na ng bukas na pag-uusap ang dalawang panig upang maresolba ang tensyon.

--Ads--

Binanggit din ni Galupo na maraming sibilyan ang naapektuhan at nababahala sa sitwasyon.

Aniya, limitado ang impormasyon na direktang natatanggap ng mga OFW, kaya’t aktibo silang sumusubaybay sa mga ulat at balita upang malaman ang pinakahuling kaganapan.

Patuloy ang panawagan sa kapwa ASEAN member countries na magtulungan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.