Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa naganap na pamamaril sa loob ng Brown University na ikinasawi ng ilang indibidwal at ikinasugat ng siyam na iba pa.
Ayon kay Isidro Madamba – Bombo International News Correspondent in USA, maituturing na mass shooting ang insidente dahil apat o higit pa ang bilang ng mga nasugatan.
Nangyari ang pamamaril nitong Linggo, na agad na nagdulot ng takot at pangamba sa komunidad ng unibersidad at mga karatig-lugar.
Ani Madamba kinumpirma naman ng pulisya na mayroon nang ilang persons of interest na tinutukan sa kaso, subalit patuloy pa rin ang masusing paghahanap sa pangunahing gunman.
Inilarawan ang suspek na nakasuot ng itim na kasuotan sa mga kuhang video na kasalukuyang sinusuri ng mga awtoridad.
Sa ngayon, umaasa pa lamang ang mga imbestigador sa mga surveillance video at impormasyong nakalap mula sa mga saksi.
Samantala, ang unang person of interest na nahawakan ng pulisya ay pinalaya na matapos mapag-alamang walang sapat na ebidensiyang mag-uugnay sa kanya sa pamamaril.
Ayon sa awtoridad, mayroon pang iba pang persons of interest na kasalukuyang iniimbestigahan, ngunit hindi pa tiyak kung ang mga ito nga ang responsable sa insidente.
Patuloy ang pangangalap ng ebidensiya habang pinaigting ang seguridad sa loob at paligid ng unibersidad.










