Himalang nabuhay ang isang Sherpa climbing guide sa pag-akyat ng Mount Everest, na pinaniniwalaang namatay sa mataas na bahagi ng bundok.

Natagpuan itong gumagapang pabalik sa Base Camp matapos gumugol ng halos isang linggo sa bundok nang walang pagkain at de-boteng suplay ng oxygen.

Sa loob ng anim na araw, walang natanggap na mensahe sa radyo o anumang palatandaan mula kay Hillary Dawa Sherpa, 52, na huling nakitang nagpapahinga noong Mayo 29 sa itaas ng Camp 3, na nasa taas na 7,060 metro (23,163 talampakan).

--Ads--

Nahiwalay siya sa kanyang kliyente at sa kanyang pangkat sa pag-akyat, na nakababa na ng bundok at kabilang sa huling grupo sa Everest.

Ayon sa ulat, naalis na rin noon ang mga hagdang inilalagay ng mga Sherpa sa Khumbu Icefall upang matulungan ang mga umaakyat na matawid ang pinakamapanganib na bahagi ng pag-akyat.

Dahil matagal na nag-iisa si Hillary Dawa sa pinakamataas na bundok sa mundo sa gitna ng mapanganib na kalagayan, nagsimula na ang kanyang pamilya ng mga ritwal para sa kanyang libing.

Ngunit napalitan ng tuwa ang inaasahang trahedya noong Huwebes nang makita siya ng isang pangkat ng mga tagalinis na gumagapang sa yelong bahagi ng bundok. Bagama’t labis na nanghihina at may matinding frostbite, buhay pa siya.

Binigyan siya ng pagkain at tubig at agad na isinakay sa helicopter patungo sa ospital sa Kathmandu, kabisera ng Nepal, kung saan siya ginamot para sa frostbite at iba pang komplikasyon.

Sa mga bidyong ibinahagi sa social media, makikitang buhat si Hillary Dawa sa likod ng isa pang umaakyat habang bumababa sila sa mabatong bahagi ng bundok.

Suot pa rin niya ang kanyang dilaw at asul na jacket sa pag-akyat. Sa isa pang video ay makikita siyang itinutulak sa isang stretcher mula sa helipad patungo sa HAMS Hospital sa Kathmandu.

Marami sa komunidad ng mga mountaineer ang naglalarawan na isang himala ang kanyang pagkaligtas.