“Inaalala natin ang Setyembre 21 hindi upang magdiwang, kundi upang matuto na huwag na itong muling mangyari.”
Ito ang bahagi ng mensahe ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas na binasa ni Rev. Fr. Roger C. Quirao, OP sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag.
Ang Setyembre 21 ay simula ng isang mahaba at madilim na kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas.
Ang Batas Militar sa ilalim ng diktadura ay panahon ng pagkitil ng karapatan, pagdurusa ng katawan, pagnanakaw ng dangal, at pamumuhay sa anino ng takot.
Marami ang pinatahimik, marami ang nawala, at marami ang namatay.
Subalit, sa gitna ng kadiliman ay may mga umusbong na bayani ang mga lumaban, nagprotesta, at tumindig para sa katotohanan.
Hanggang ngayon, nananatili ang mga sugat. Ang ninakaw na yaman ay hindi pa naibabalik, at ang hustisya ay hindi pa rin naipagkakaloob.
Sira pa rin ang proseso ng eleksyon, at paralisado ang sistema ng hustisya.
Kaya pakiramdam ng mamamayan, wala na silang magagawa. Kailangan man ng isang independiyenteng grupo, ito’y mahirap itatag.
Bahagi rin ng mensahe ang paalala na hindi sapat ang pagsisiwalat ng korapsyon.
Kailangan ng higit pa rito sapagkat ang tunay na pagbabago ay nagsisimula sa pagbabagong-loob, sa pagbabagong-puso.
Kung tunay na pagbabago ang hangad, kailangang tanggihan ang pulitikang palakasan at utang na loob, at tanggihan ang suhol ng mga kandidato.