Nakatakdang magsagawa ng “Kilusang Bayan Kontra Kurakot” ang grupong Bayan sa darating na Nobyembre 30, na pangungunahan ng mga manggagawa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Raymond De Vera Palatino, Secretary General ng Bayan, sinabi niyang layunin ng kilos-protesta na bigyang mukha ang galit ng iba’t ibang sektor laban sa matinding korupsiyon sa bansa.
Ayon kay Palatino, ang talamak na katiwalian sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pangunahing dahilan ng galit ng mga nagpoprotesta.
Giit niya na hindi puwedeng isang araw lang ang protesta at hindi puwedeng isang malakihan lang kaya kailangan na patuloy ang panawagan at pagkilos.
Maraming pagkilos ang isinasagawa ngayong buwan gaya ng mga kabataan at mga magsasaka para ipakita na ang sila ang biktima ng korupsyon.
Nais umano ng grupo na palakasin ang pressure sa ICI upang ilabas na ang resulta ng kanilang isinasagawang imbestigasyon.
Binigyang-diin din ni Palatino na mahalagang masilip ang pondo ng Malacañang at malaman ang papel ng Office of the President sa pagpapatupad ng pork barrel at iba pang kuwestyunableng gastusin.
Dagdag pa niya, matapos maaprubahan ang pambansang badyet, dapat bantayan ng publiko ang deliberasyon sa Senado, lalo na’t galit na ang taumbayan sa korupsiyon.
Kailangan aniya itong tiyakin upang mapigilan ang pagpasok ng mga maanomalyang proyekto sa 2026 budget at higit sa lahat, mapanagot ang mga sangkot sa katiwalian.
Samantala, dalawang malaking kilos-protesta laban sa korupsiyon ang gaganapin sa Oktubre 17 at Oktubre 21, na pangungunahan ng mga grupong nasa likod ng protesta sa Luneta noong Setyembre 21.