DAGUPAN CITY- Naiulat ang biglaang pagbabago sa bilang ng mga boto noong madaling araw ng May 13 bagay na ikinabahala ng ilang mga nakapansin na ordinaryong mamamayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tzar Umang, Policies chief operations officer & chief technology officer, nagkakaroon lamang ng pagkakaiba sa bilang ng mga boto na natatanggap ng server ng Commission on Elections (Comelec) at ang ibang mga server, tulad ng PPCRV at mga media, mula sa mga presinto dahil sa time difference.
Aniya, ang pagkakaiba ng mga server ay mas mabagal lamang ang pagpasok ng data sa ibang servers dahil may proseso pa itong pinagdadaanan.
Gayunpaman, hindi pa rin dapat malaki ang agwat ng mga bilang na kanilang mga natatanggap kung ikukumpara sa real-time vote count ng nasabing ahensya.
Samantala, hindi man perpekto ang naranasang halalan sa ilang mga lugar ay mas naging mabilis at maayos ito kumpara sa mga nakaraang eleksyon.
Isa sa factor nito ay ang paghahanda ng Comelec sa set-up sa mga presinto at transmission.
Inaasahan man ang discrepancies sa canvassing tulad sa mga nagdaan, dapat na lamang tutukan ang lalabas na opisyal na bilang ng mga boto.
Dahil hinabol din ang paglipat sa version 3.5 ng Automated Counting Machine (ACM) ay dapat alamin ng bawat isa ang transparency ng auditing ng ahensya.