DAGUPAN CITY- ‎Isasagawa ang tatlong araw na medical mission sa Dagupan City sa pangunguna ng Lokal na Pamahalaang Panglungsod katuwang ang St. Francis at St. Claire Foundation sa darating na January 30 – February 1.

‎Layunin ng aktibidad na mapalakas pa ang serbisyong pangkalusugan para sa mga residente, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan ng agarang atensyong medikal.

‎Ayon kay Dagupan City Mayor Belen Fernandez, Bahagi ng medical mission ang pagdating ng mga doktor mula sa Estados Unidos na makikipagtulungan sa mga local health workers upang magbigay ng libreng konsultasyon at serbisyong medikal sa mga Dagupeño.

‎Prayoridad sa programa ang mga senior citizen, partikular ang mga bed-ridden patients, gayundin ang mga may problema sa paningin gaya ng astigmatism, at iba pang kabilang sa vulnerable sectors.

‎Magkakaroon din ng mga minor medical procedures tulad ng dental services, eye check-up, at iba pang pangunahing serbisyong medikal na makatutulong sa maagang pagtuklas at pag-iwas sa mas malubhang karamdaman.

‎Giit ng LGU, bahagi ito ng kanilang patuloy na pagsisikap na mapabuti ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa lungsod.

Sa datos na inilabas, umabot na sa halos 200 porsiyento ang itinaas ng suporta at serbisyo sa sektor ng kalusugan sa Dagupan kumpara sa mga nagdaang taon, indikasyon ng mas pinalawak at pinatibay na healthcare programs para sa buong lungsod.