DAGUPAN CITY- Naghandog ng isang espesyal na okasyon ang Medical Center Cancer Institute bilang pagkilala at suporta sa mga pasyenteng patuloy na lumalaban sa cancer.

Maayos ang naging daloy ng programa na inorganisa ng institusyon upang magbigay-inspirasyon at pasasalamat sa mga dumadalo at nagpapagamot sa kanilang pasilidad.

Isa sa mga masayang dumalo si Monica Opader, 65 taong gulang mula sa bayan ng Binmaley, na isang breast cancer survivor.

--Ads--

Na-diagnose siya noong 2019 at mahigit dalawang taon nang nagpapatuloy ang kanyang gamutan sa Cancer Institute matapos itong ilipat sa Region 1 Medical Center Annex.

Kabilang sa kanyang kasalukuyang therapy ang bone treatment.

Malaking kaginhawaan para kay Opader ang pagkakaroon ng pasilidad na malapit sa kanilang lugar.

Aniya, komportable silang bumiyahe anumang araw o oras, kahit may kailangang sunding protocol gaya ng pagkuha ng abstract.

Pinuri rin niya ang mga doktor at nurse sa institusyon dahil sa maayos at personal nilang pakikitungo sa mga pasyente.

Nagpaabot din siya ng paalala sa publiko, lalo na sa mga nakararanas ng sintomas, na huwag matakot magpakonsulta.

Buo ang kanyang pasasalamat sa pamahalaan sa pagkakaroon ng cancer institute sa kanilang rehiyon at nanawagan na ipagpatuloy pa ang ganitong inisyatibo para sa iba pang nangangailangan.