DAGUPAN CITY — Inihayag ni Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (SENTRO) Secretary General Josua Mata na hindi aniya ikagugulat ang pananaw ng mga Overseas Filipino Workers na desperadong makaalis ng Pilipinas sapagkat tama ang kanilang pangamba na sa kabila ng maraming pagbyahe sa ibang mga bansa at mga ipinapangakong pledges sa mga investment ni Pangulong Ferdinand Macos, Jr. ay hindi naman ito nagkakatotoo at hindi rin tinutugunan ng gobyerno ang tunay na dahilan kung bakit kakaunti ang mga investors na pumasok ng bansa.
Ito ang kanyang binigyang-diin sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan kaugnay sa usapin ng kakulangan ng kakayahan ng pamahalaang lumikha ng maunlad na trabaho para sa mga Filipino.
Aniya na sa kabila kasi ng mga ipinapangakong trabaho ni Pangulong Marcos mula sa mga kasuduang pinipirmahan nito sa kanyang pagbisita sa ibang mga bansa, pilit namang itinatanggi ng gobyerno ang pinakaugat ng halos kawalan ng mga investors na nais mamuhunan sa bansa.
Saad nito na mula sa napakamahal na singil sa kuryente na ikatatalo lamang ng bansa pagdating sa global market dahil sa mataas na cost of production sapagkat hindi pa rin nagtatagumpay ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law na unang ipinasa noong taong 2001 para talagang ibaba ang presyo ng kuryente, at sa halip ay napipilitan ang bawat Filipino na magbayad ng isa sa pinakamahal na presyo ng kuryente hindi lamang sa Asya subalit sa buong daigdig.
Iba pa rito aniya ang cost of transportation bunsod naman ng napakalaking pagkakamali ng gobyerno sa pag-invest sa reporma sa sektor ng pampublikong transportasyon ng bansa na lubhang napapabayaan, lalo na’t 16% ng kabuuang household sa Metro Manila ay ang may sariling sasakyan subalit kalakhan sa investments ng gobyerno para sa public transportation sa loob ng maraming taon ay nakalaan sa paglalagay ng ma kalye na para lamang sa mga kotse.
Dagdag ni Mata na ang kakulangan ng gobyerno sa pagpa-plano ay siyang nagiging dahilan upang hindi nito maisakatuparan ang mga pledges ng ma investments na sinasabi ng Punong Ehekutibo.
Kaya naman napapanahon na aniya na magbigay ng maayos at komprehensibong plano ang gobyerno kung papaano talaga mapapaunlad ang trabaho sa bansa, dapat na ring huminto ang gobyerno na iasa lang ang pag-generate ng trabaho sa private sectors dahil kung ito ay magpapatuloy ay nasa 2 milyong mga Filipino ang patuloy na mawawalan ng trabaho kaya nararapat na matutukan ng gobyerno ang pag-invest sa tinatawag na Public Employment Program kung saan ang mismong gobyerno ang magbibigay ng trabaho sa mamamayan upang magawa ang mga bagay na kinakailangan ng komunidad at ng bansa.
Kaugnay nito, idiniin pa ni Mata na bagamat nakasaad sa Konstitusyon ang pagbibigay ng trabaho para sa lahat, ay mahalagang kilalanin ang paghingi ng mga manggagawa ng quality at secure na trabaho, kaya naman ay hindi nararapat na ang ige-generate na trabaho lamang ay mga kontraktwal dahil matapos ang ilang buwan ay wala na naman silang mga trabaho.
Aniya na kung magpapatuloy ito ay talagang hindi uunlad ang mamamayan sapagkat wala silang panahong magplano para sa kanilang kinabukasan.
Maliban dito ay naniniwala naman ito na kulang o kapos ang pananaw ng mga economic managers kung kini-claim nilang malakas ang labor market ng bansa kung sa tutuusin ay ang totoong sukatan ng malakas na labor market ay kung umuunlad ang buhay, trabaho, sahod, at kasiguraduhan sa trabaho ng mamamayang Filipino na siyang hindi binibigyan ng tamang pansin ng gobyerno.