Nasawi ang isang 19-anyos na lalaki matapos umano’y bigla itong tumalon sa ilalim ng isang umaandar na dump truck at masagasaan sa bayan ng Calasiao.

Dahil sa insidente, nadurog ang biktima at nagkalat ang ilang bahagi ng kanyang katawan sa kalsada, na nagdulot ng matinding pagkabigla sa mga nakasaksi sa pangyayari.

Ayon kay PLt. Noel Domalanta, PIO ng Calasiao Police Station, ang biktima ay residente ng Dagupan City.

--Ads--

Samantala, ang sangkot na sasakyan ay minamaneho ng 37-anyos na truck driver na residente ng Mangaldan.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng dump truck ang kanlurang direksyon ng kalsada nang biglang tumalon ang biktima sa ilalim ng umaandar na sasakyan, dahilan upang siya ay masagasaan.

Dahil sa bigat ng kargang mixed gravel ng trak, hindi na naiwasan ng drayber ang insidente na nauwi sa agarang pagkasawi ng biktima.

Dagdag pa ni Domalanta, lumalabas sa imbestigasyon na ang biktima ay may mental disability o PWD.

Bago ang insidente, ilang bystanders ang nakapansin na ang biktima ay nakatayo at palakad-lakad lamang sa gilid ng kalsada at minamasdan ang mga dumaraang sasakyan, ilang sandali bago mangyari ang trahedya.

Samantala, ang drayber ay dinala sa Calasiao Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at karagdagang imbestigasyon kaugnay ng insidente.

Kalaunan ay nagka-usap na ang magkabilang panig at hindi na humantong pa sa pagsasampa ng kaso.

Patuloy ang paalala ng kapulisan sa publiko na maging mapagmatyag at maagap sa pagbibigay-alalay sa mga taong may kapansanan o nasa panganib upang maiwasan ang mga trahedyang tulad nito.