Dagupan City – Dinala sa ospital ang isang lolo na magsasaka matapos mabundol ng isang tricycle sa kahabaan ng San Manuel-San Nicolas Road sa Brgy. San Bonifacio sa bayan ng San Manuel.
Nagkaroon ito ng tama o sugat sa ulo dahil sa insidente.
Ayon sa mga saksi, tumatawid ang biktima sa kalsada nang biglang sumulpot ang tricycle na patungo sa direksyon ng San Manuel at siya’y nabundol.
Ayon sa ulat ng San Manuel Police Station, ang drayber ng tricycle ay isang 61-anyos na residente rin ng San Manuel kung saan
napag-alaman na walang driver’s license at nasa impluwensya ng alak nang mangyari ang aksidente.
Samantala, nagtamo ng head injury ang biktima kaya agad dinala ang biktima at ang lasing na driver sa Rural Health Unit (RHU) San Manuel para sa medikal na pagsusuri at paggamot.
Matapos ang pagsusuri, dinala ang driver at ang biktima sa San Manuel Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon ng kaso.










