DAGUPAN, CITY— Tadtad ng bala ang bangkay ng isang senior citizen matapos matagpuan ito sa kanyang tahanan sa barangay Tarece sa siyudad ng San Carlos, Pangasinan.
Ayon kay PMAJ Gilbert Ferrer, Deputy chief of police ng San Carlos PNP, lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na ilang araw na umanong hindi lumalabas sa bahay ang biktima kaya pinuntahan ng mga opisyal ng nabanggit na barangay kung saan tumambad sa mga ito ang bangkay nito na tadtad ng bala ang katawan na agad itinawag sa kapulisan.
Natukoy ang biktima na si Leonardo De Guzman, 61 anyos na residente ng Barangay Tarece sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa imbestigador mula sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), dalawang firearms o baril ang ginamit ng mga suspek kung saan 7 ang tamang natamo ng biktima mula sa caliber 45 na baril at 6 naman mula sa M16.
Sa ngayon iniimbestigahan na ng hanay ng San Carlos PNP ang motibo ng mga suspek subalit tinitignan nila ngayon kung may mga nakaalitan ang biktima dahil base sa salaysay ng kamag-anak at kapitbahay nito ay palagi umanong umiinom ng alak tuwing hapon ang naturang biktima at nagaamok tuwing siya ay nalalasing.
Ngunit ani PMaj Ferrer na wala naman umanong record ang biktima na may kinalaman sa iligal na droga.
Dagdag pa niya, isolated case lamang din umano ang naturang insidente at ito pa lamang ang unang kaso ng murder na naitala sa naturang siyudad.