Pinangunahan ni Senator Imee Marcos ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa 1,000 single parent sa Dagupan City sa ginaganap na distribution sa ilalim ng programang Assistance to Individual in Crisis Situation (AICS) ng DSWD kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan at 75th Diamond Jubilee ng naturang lungsod.


Sa kanyang talumpati, ipinagmalaki ng senadora ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga solo parents, na labis na naapektuhan noong kasagsagan ng pandemya, nagkakahalaga ng P3,000. Aniya na naiintindihan umano nito ang kalagayan ng mga single parent na sinosolo ang mga responsibilidad nila bilang tanging tagapagtaguyod ng kanilang mga anak.


Maliban dito ay inihayag din nito ang pagbabalik ng mga proyekto na matagal nang sinimulan ng kanyang namayapang ama at dating pangulo ng bansa na si President Ferdinand Marcos Sr., mga proyekto ng Kadiwa, at pamamahagi ng laruan at nutribun sa mga kabataan na anak ng mga single parents na benepisyaryo ng AICS program.

--Ads--


Kabilang sa mga benepisyaryo ng tulong-pinansiyal sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation ay ang mga pamosong puto vendors ng bayan, distressed OFWs, solo parents, at persons with disabilities and special needs.


Kasamang dumalo sa event sina Pangasinan Gov. Ramon ‘Mon Mon’ Guico III, Dagupan City Vice Mayor BK Kua, Councilors Jigs Seen, Dennis Canto, former councilor Joey Tamayo, Liga ng mga Barangay President Lino Fernandez, Federated PTA President Gerry Pradez, Philanthropist Ashok Vasandani at kapatid nitong si Rocky Vasandani, DSWD Field Office 1 Crisis Intervention Section Head Louie Acosta, CSWD OIC Irene Ferrer, Department of Agriculture Usec. Christine Evangelista at iba pang national government agencies.


Matapos nito ay pinangunahan din ng senadora ang Christmas Lighting Ceremony sa Quintos Bridge at pagpapailaw ng giant Christmas Tree sa City Plaza kasama ang alkalde ng lungsod na si Mayor Belen Fernandez, na sinundan naman ng live performances nila The Voice Kids Season 1 Grand Champion Lyca Gairanod, Bandang Lapis, at iba pang mga lokal na banda.