DAGUPAN CITY- Nanindigan si Senator Risa Hontiveros na hindi titigil ang senado sa pagban ng Philippine Offshore Gaming Operation o POGO sa bansa hanggang inaatay pa na maipasa sa Kongreso ang Anti-POGO law.
Matatandaan na matapang na inimbestigahan at isiniwalat ng senadora ang nagiging kalakaran ng POGO sa bansa partikular na sa bayan ng Bamban Tarlac na kinasangkutan ni Alice Guo o mas kilala bilang Guo Hua Ping.
Halos isang taon din na sinubaybayan at pinag-usapan sa bansa ang balitang ito na humantong pa sa mga hearing upang mapanagot ang nasa likod nito na nagresulta ng pagkakakulong ng ilang matataas na POGO Operators hanggang sa umabot sa pag-anunsyo ng Pangulo na Ban na ang POGO sa bansa
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa Senadora sa pagbisita nito sa Dagupan City na kailangan maayos ng Malacañang ang inilabas nilang executive order dahil may mga probisyon pang nakikita doon na nagbibigay ng palusot sa POGO kaya may lakas ng loob parin ang ilang malalaking tao na nagsasagawa nito.
Dahil dito, patuloy pa rin ang operasyon ng ilang malalaking POGO sa pamamagitan ng mga maliliit na negosyo, gamit ang “guerilla tactics” o pagtatago sa mga lehitimong negosyo gaya ng restaurant, resort, at BPO companies.
Inilarawan niya ang mga ito bilang “anay” na patuloy na nagsasagawa ng POGO operations, scamming, at human trafficking.
May mga nahuli na ring foreign workers na sangkot sa mga ganitong gawain ngayong buwan.
Sinagot din ni Senadora Hontiveros ang banta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang campaign rally ng PDP-Laban, kung saan sinabi nitong papatayin ang 15 senador para makapasok ang ilang senatorial candidates nito.
Tinawag ito ni Hontiveros na “hindi katanggap-tanggap,” isang banta, at “out of place.”
Aniya na ang dapat “patayin” O bombahin ay ang pagbaba ng presyo ng bilihin at itaas ang bilang ng trabaho para sa mga Pilipino, hindi ang pagbabanta sa mga senador.
Tungkol naman sa impeachment kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Senadora Hontiveros na mananatili silang neutral o impartial bilang senator-judges sa impeachment trial.
Sinuportahan niya ang panawagan sa inilabas na sulat ng kanyang minority leader na si Senador Koko Pimentel, na kapag natanggap na ng senado ang impeachment articles mula sa Kongreso ay kailangan na agad masimulan ang impeachment trial.