Nagsagawa ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee ukol sa maanomalyang flood control projects.

Kung saan ilang contractors, ang cinite in contempt dahil sa paulit-ulit na hindi pagdalo sa pagdinig.

Ang mosyon para sa contempt ay inihain ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa at sinang-ayunan ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.

--Ads--

Agad itong inaprubahan ni Senador Rodante Marcoleta, na siyang tagapangulo ng komite, bilang paghahanda sa posibleng paglalabas ng warrant of arrest.

Ayon sa committee secretary, naipadala na ang subpoena sa mga pinuno ng construction companies noong Agosto 22, matapos din nilang hindi dumalo sa unang pampublikong pagdinig.

Samantala, ilang opisyal ng mga kumpanya ang dumating ngunit huli na nakarating sila matapos maaprubahan ang mosyon ng contempt.

Sa ngayon, tanging si Edgar Acosta, presidente ng Hi-Tone Construction & Development Corp., ang hindi personal na dumalo, subalit nagpadala siya ng kinatawan.

Noong Agosto 19, naglabas na ng subpoena ang Senado laban sa mga pribadong kontratistang hindi sumipot sa unang imbestigasyon.

Dumalo rin sa pagdinig si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, na ayon sa Malacañang ay magbibitiw sa puwesto epektibo ngayong araw.

Matatandaang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na 20% ng kabuuang ₱545 bilyong budget para sa flood control projects ay napunta lamang sa 15 kontratista kung saan lima sa mga ito ay may proyekto sa halos lahat ng rehiyon sa bansa.