Tinanggihan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang umano’y pag-udyok sa kanya ng ilang retiradong miyembro ng militar na maging bahagi ng tinatawag na “civil-military junta.”
Ayon sa senador, labag sa Konstitusyon ang anumang pagtatangkang palitan ang liderato ng bansa sa pamamagitan ng isang “transition council” o military-backed “reset.”
Sa isang pahayag, sinabi ni Lacson na nakatanggap siya ng mensahe mula sa ilang retiradong opisyal ng militar na nag-aalok sa kanya na maging bahagi ng nasabing junta o council.
Ginawa ng senador ang paglilinaw matapos lumabas ang mga spekulasyon hinggil sa umano’y plano na baguhin ang kasalukuyang pamumuno sa bansa sa pamamagitan ng hindi demokratikong paraan.
Binanggit ni Lacson na malinaw ang kanyang paninindigan laban sa anumang hakbang na salungat sa Konstitusyon at sa demokratikong proseso.
Hindi pa malinaw kung sino ang mga retiradong opisyal ng militar na nagpadala ng naturang alok, subalit iginiit ng senador na hindi niya ito bibigyang-pansin.










