Wala pa umanong hakbang ang Senado upang resolbahin ang usapin sa partisipasyon nina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol, sinabi na ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero na hindi ang impeachment court ang tamang forum para talakayin ang isyu kundi ang Senado bilang legislative body.

Gayunman, sinabi ni Tongol na sa mga nagdaang plenary session ay wala pang senador ang naghain o nagbukas ng naturang usapin kaya nananatili itong walang aksyon sa ngayon.

--Ads--

Samantala, nilinaw rin ni Tongol na may dalawang kundisyon na kailangang matupad bago muling makalahok si Senator Jinggoy Estrada sa Senado at sa impeachment court.

Aniya, kailangan munang matapos ang ipinataw na 90-day preventive suspension laban kay Estrada at kasabay nito ay kailangan ding payagan siya ng Sandiganbayan na makapagpiyansa upang personal na makadalo sa mga sesyon ng Senado.

Ipinaliwanag ni Tongol na habang umiiral ang preventive suspension at wala pang piyansa, hindi maaaring gampanan ni Estrada ang kanyang tungkulin bilang senador at hindi rin siya makalalahok bilang senator-judge sa impeachment trial.

Sa kaso naman ni Senator Rodante Marcoleta, wala pang inilalabas na aksyon ang Senado hinggil sa posibilidad ng kanyang partisipasyon sa paglilitis.