Posibleng amyendahan ng Senado ang kanilang rules upang magpataw ng parusa sa mga senador na hindi pumapasok sa sesyon, ayon kay Sen. JV Ejercito.
Ito ay kasunod ng ethics complaint laban kay Sen. Ronald ”Bato” Dela Rosa dahil sa matagal nitong pagliban sa Senado.
Bilang chairperson ng Senate Ethics Committee, sinabi ni Ejercito na ang amendment ay puwedeng isagawa ng Rules Committee at kailangan aprubahan ng plenaryo.
Ayon sa kanya, hindi na-anticipate noon na may legislator na hindi papasok, kaya kailangan amyendahan ang naturang Senate rules bilang buong body.
Ang reklamo laban kay Dela Rosa ay maaalala na isinampa ng civil society group na Wag Kang KuCorrupt, ngunit maaaring ma-dismiss ito agad dahil wala pang umiiral na patakaran sa Senado tungkol sa “no work, no pay.”
Simula noong Nobyembre 11 ng nakaraang taon, hindi nakadalo si Dela Rosa sa mga sesyon matapos sabihin ni Ombudsman Boying Remulla na may warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Bilang dating hepe ng pulisya sa ilalim ng dating pangulong Rodrigo Duterte, tinukoy siya ng ICC bilang isa sa mga “co-perpetrators” sa mga kaso ng extrajudicial killings sa panahon ng ‘war on drugs’ campaign ng dating pangulo.
Nilinaw ni Ejercito na ang magiging desisyon sa ethics complaint ay pampamaraan lamang at hindi pagtatangkang protektahan ang kasamahan.










