Dagupan City – Dapat nang makabuo ang senado ng bagong liderato.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Francis Dominic Abril, legal at political consultant, aniya, hindi maaaring manatiling matagal na walang nailuluklok na Senate President dahil hindi pinahihintulutan ng Senado na mahigit tatlong araw itong hindi magsagawa ng sesyon.
Ayon kay Abril, sapat na ang bilang ng mga senador na dumadalo upang makabuo ng quorum at maipagpatuloy ang mga kinakailangang gawain ng Senado.
Samantala, tinawag naman ni Abril na hindi lehitimo ang isinasagawang pagdinig ng tinatawag na Cayetano bloc.
Aniya, mistulang nakasentro lamang ang hearing sa 18 dating bodyguards o umano’y mga bagman, sa halip na sa mas mahahalagang usapin.
Pinuna rin niya ang mga pabago-bagong pahayag ng mga testigo.
Giit niya, kung tunay at lehitimo ang kanilang mga salaysay, hindi umano dapat nagkakaroon ng maraming pagkakamali at hindi pagkakatugma sa kanilang mga testimonya.
Binanggit din niya ang ilang testimonya na nag-uugnay sa isang pari sa isyu, gayong hindi naman umano nakadalo sa pagdinig ang ilan sa mga direktang pinagbibintangan upang maipagtanggol ang kanilang panig.
Dagdag pa niya, dapat ding mabigyan ng pagkakataon si Senador Robin Padilla na magpaliwanag kaugnay ng mga alegasyong hindi siya nakikipagtulungan sa proseso.
Ayon kay Abril, hindi dapat agad husgahan ang mga hindi dumadalo sa pagdinig dahil maaari rin itong bahagi ng kanilang legal na depensa.
Sa kabila ng umiiral na tensyon sa Senado, umaasa si Abril na matatapos na ang bangayan sa loob ng kapulungan at mabubuo na ang kinakailangang suporta ng 13 senador upang tuluyan nang maresolba ang usapin sa liderato at maihalal na ang susunod na Senate President.










