Nanawagan si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na ipagpaliban muna ang pagtalakay sa mosyon na naglalayong ibasura ang reklamong impeachment laban kay Vice pres. Sara Duterte, dahil ang desisyon ng Korte Suprema na nagpawalang-bisa sa kaso ay kasalukuyan pang iniapela.

Ang hakbang ni Sotto ay bilang tugon kay Senador Rodante Marcoleta, na nagsabing ibinasura na ng Korte Suprema ang reklamong impeachment.

“Ating bigyang-daan at pagkakataon ang Korte Suprema na maitama ang desisyon nito, na naglalaman ng malinaw at lantad na mga pagkakamali hindi lang para sa kasong ito, kundi para sa integridad ng mga susunod pang impeachment proceedings,” ani Sotto. “Huwag natin itong basta-basta ibasura.”

--Ads--

Nauna nang naghain ang Mababang Kapulungan ng mosyon para sa motion for reconsideration, na humihiling sa Korte Suprema na baligtarin ang desisyong idineklara ang mga artikulo ng impeachment laban kay Duterte bilang labag sa Konstitusyon.

Inatasan na ng Korte Supremaang bise presidente at isa pang petisyoner na magsumite ng kanilang komento hinggil sa nasabing mosyon ng Kamara.

Pinuna ni Sotto ang desisyon ng Korte Suprema, na tinukoy ang umano’y mga pagkukulang sa proseso kabilang na ang kawalan ng oral arguments at ang hindi pagkonsulta sa Kongreso bago maglabas ng desisyon.

Nagbabala rin siya na sa pagtanggal ng ikatlong paraan ng pagsusulong ng impeachment complaint, maaaring lumampas na sa kapangyarihan nito ang Korte Suprema at binago ang nilalaman ng Konstitusyon.

“Ang desisyon ng Korte Suprema, kahit na agad na ipinatutupad, ay hindi pa pinal,” giit ni Sotto. “Marami ang nagtatanong kung ito’y iniapela pa, bakit natin minamadaling ibasura?”