Dagupan City – Nagpahayag si Sen. Risa Hontiveros ng kanyang paninindigancsa mga isyung pambansa kabilang ang desisyon ng International Criminal Court at ang usapin ng impeachment noong nakaraang Sabado, sa isinagawang aktibidad sa lungsod ng Dagupan.
Ipinahayag ng senadora ang pakikiisa sa mga pamilyang naulila dahil sa extrajudicial killings, at binigyang-diin na ang mga ito ang sentro ng proseso ng paghahanap ng katarungan.
Umaasa rin siya na sa paglipas ng panahon ay magkakaroon ng mas malalim na pag-unawa ang mga Pilipino sa magkakaibang pananaw hinggil sa nasabing isyu upang makamit ang pagkakaisa at paghilom.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagharap sa mga nagdaang pangyayari habang patuloy na umuusad ang bansa, dala ang mga aral mula sa nakaraan.
Kaugnay naman sa mga usaping pampulitika, ipinahayag ni Hontiveros ang paggalang sa mga desisyon ng iba pang lider, kabilang si Former VP Leni Robredo na ngayo’y Mayor ng Naga City, ang kanyang pagiging bukas sa mga posibleng hakbang sa hinaharap, kabilang ang mga usaping may kinalaman sa kanyang papel sa pamahalaan partikular ang pagtakbo sa 2028 Election bilang Pangulo ng bansa.
Sa usapin ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ng senadora na handa siyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang bahagi ng Senado kung sakaling umusad ang proseso. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagiging patas at pagsunod sa mandato bilang isang senador, alinsunod sa paalala ng pamunuan ng Senado.
Nananatiling nakatuon ang mensahe ni Hontiveros sa paghahanap ng katarungan, pagkakaisa, at pag-usad ng bansa habang patuloy na kinikilala ang boses ng mga naapektuhan ng mga nakaraang pangyayari.










