Binatikos ni Blue Ribbon Committee Chair Sen. Rodante Marcoleta ang Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos itong mabigong magsumite ng kumpletong listahan ng umano’y ghost flood control projects, sa kabila ng nauna nitong pangako na ihahain ang mga dokumento sa pagdinig ngayong araw.

Sa isinagawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee, iginiit ni Sen. Marcoleta na dalawang proyekto lamang ang isinumite ng DPWH — malayo sa inaasahang 60 proyekto na dapat sana’y tatalakayin sa imbestigasyon.

Dagdag pa niya, ang pagkukulang ng ahensya ay tila pagbalewala sa integridad ng imbestigasyon at hadlang sa pagkamit ng transparency at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.

--Ads--

Ayon sa mga unang ulat, ang mga proyektong tinukoy ay pinaniniwalang peke o “ghost projects” na pinondohan ngunit hindi naman naipatupad o walang aktwal na konstruksiyon sa mga lugar na nakatala.

Hiniling ni Marcoleta sa DPWH na kumpletuhin agad ang listahan at magsumite ng detalyadong ulat sa lalong madaling panahon, bilang bahagi ng mas malawak na imbestigasyon sa mga iregularidad sa flood control spending ng pamahalaan.

Patuloy ang imbestigasyon ng Senado upang tukuyin kung sino ang dapat managot sa mga proyektong posibleng ginagamit lamang sa katiwalian.