Hindi na umano ikinagulat ni Sen. Panfilo Lacson ang tuluyang pagbawi ni Orly Guteza sa kaniyang testimoniya.

Binalikan ng batikang senador ang mga naunang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee kung saan siya nagsilbi bilang chairman sa loob ng ilang buwan.

Ayon kay Lacson, nasa record at naka-live pa sa hearing na halatang ‘coached witness’ o naturuang witness ang dating sundalo, kaya’t dati na rin umano niyang inasahan ang pagbaliktad ni Guteza balang araw.

--Ads--

Inilarawan pa ni Lacson bilang ‘one dime a dozen’ o halos wala nang halaga ang testimoniya ng mga tinaguriang ‘Maleta Boys’ kasunod ng unti-unti nilang pagbaliktad.

Dahil dito, hindi na aniya nakakagulat na ang orihinal na ‘Maleta Boy’ na si Guteza ay bumaliktad na rin.

Ginamit din ng batikang senador ang aniya’y ‘lengguahe ng mga mandurugas’ na ‘lagareng hapon, doble-kita, o 40-40 vision’ upang ilarawan ang kuwento ng Maleta Boys, kasunod ng mga serye ng recantation.