Nag-file si Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan ng panukalang batas na layong magpatupad ng voucher program upang makatulong sa mga estudyante sa pribadong paaralan na mula sa low- at middle-income households.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1841 o Private Education Voucher Expansion (PEVE) Act, nakasaad ang pagpapalawak ng saklaw ng voucher assistance para sa mga kapos-palad na mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school.

Target nitong matulungan ang mga pumapasok sa pribadong paaralan, lalo na sa mga lugar kung saan siksikan o kulang ang mga pampublikong eskwelahan.

--Ads--

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), kabilang sa target beneficiaries ang mga mag-aaral mula sa middle-income families na kasalukuyang naka-enroll sa public schools na itinuturing ng Department of Education (DepEd) na congested.

Saklaw din ng panukala ang mga estudyanteng nakatira sa mga lugar na overpopulated na ang public schools o kaya’y walang sapat na pampublikong paaralan, gayundin ang mga nais mag-aral sa pribadong basic education institutions.

Inaasahan namang makatatanggap ng mas mataas na halaga ng voucher ang mga mag-aaral mula sa vulnerable sectors, ayon sa itinatakda ng Basic Education Assistance Council (BEAC).

Bukod sa mga estudyante, makikinabang din ang mga pribadong paaralan sa pamamagitan ng financial assistance na ibabatay sa kanilang quality assurance standards, geographic location, at laki ng kanilang student enrollment.