DAGUPAN CITY- Pagpapakita ng pagpanig ni Sen. Imee Marcos sa mga Duterte ang ginawa nitong pagbulgar sa kapatid niyang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng libo-libong katao sa rally ng Iglesia ni Cristo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Roland Simbulan, Chairperson ng Center For People Empowerment in Governance, wala aniya sa lugar ang mga sinabi ni Sen. Imee Marcos at hindi natural na gawain bilang isang kapatid.

Mas maiintindihan pa umano ang kaparehong pag-atake ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isang rally na kaniyang dinaluhan dati nang magtiwalag ang UniTeam.

--Ads--

Ani Simbulan, hindi malinaw ang agenda ni Sen. Imee subalit, hindi na nakakagulat kung may kaugnayan ito sa maaaring pagtakbo niya bilang bise presidente sa 2028 Presidential Elections.

Gayunpaman, nagpapatunay lamang ito na ‘one-sided’ ang hustisya dahil nabanggit ni Sen. Imee Marcos na kabilang si PBBM sa listahan ng Drug Watch-list ni FPRRD subalit hindi naman ito napanagot bagkus tinulak pa ito maging pangulo.

Giit niya, mahalagang matandaan na hindi dapat malihis ng political drama ang mga isyu sa pagpapanagot sa mga nakinabang sa maanumalyang flood control projects.

Parehong pamilya naman ay sangkot sa mga isyu ng bansa, kabilang na ang mga nagdaang isyu tulad ng confidential at intelligence funds.

Importante aniyang magpatuloy pa rin ang mga imbestigasyon at may mapanagot.