Hiniling ng Senate Ethics Committee na magkomento si Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng panukalang amyendahan ang mga alituntunin ng Senado upang ipatupad ang “no work, no pay” policy para sa mga absent na senador.

Ayon kay Senate Ethics Committee Chairperson Senador JV Ejercito, tinalakay ng komite ang iba’t ibang reklamo laban sa mga miyembro ng Senado, kabilang ang panukalang mas mahigpit na patakaran sa absenteeism.

Kasunod nito, ipinadala ang kahilingan kay Dela Rosa upang magbigay ng pahayag sa naturang mungkahi.

--Ads--

Punto ni Ejercito na tinitingnan nila ang posibilidad na ipatupad ang prinsipyo ng “no work, no pay” para sa mga halal na opisyal, at iginiit na kailangan itong dumaan sa plenaryo ng Senado kung sakaling amyendahan ang umiiral na mga patakaran.

Kung maaalala matagal nang hindi nakadadalo sa sesyon si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 2025, kasunod ng mga ulat na may inilabas na warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang pagkakasangkot sa war on drugs.

Dahil dito, nahaharap siya sa ethics complaint dahil sa patuloy na pagliban sa sesyon.

Ayon kay Ejercito, umaasa siyang boluntaryong isusuko ni Dela Rosa ang kanyang suweldo at allowances habang hindi ito aktibo sa pagdalo sa Senado, bilang pagpapakita ng patas na prinsipyo sa mga ordinaryong manggagawa na hindi binabayaran kapag hindi pumapasok.

Samantala, iniulat din ng komite na siyam na reklamo ang kanilang tinatalakay. Apat dito ang ibinasura dahil sa kakulangan ng substance, tatlo ang ipinagpaliban, habang dalawa naman ang nangangailangan pa ng karagdagang paliwanag mula sa mga ahensya ng gobyerno bago maresolba.

Nilinaw rin ng komite na mananatiling confidential ang mga detalye ng kanilang mga pagdinig at dockets.