Dagupan City – Hindi maisasalba si Senador Ronald “Bato” dela Rosa ng kaniyang pagkasenador sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang Constitutional Law expert at political analyst, sinabi nito na hindi kinakailangan ng extradition proceedings para maipatupad ng ICC ang mga aksyon nito sa Pilipinas.
Paliwanag niya, ang mga taong sinasabing sangkot—kabilang sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador dela Rosa—ay iniuugnay sa mga pangyayaring naganap sa panahon na sakop pa ng ICC ang Pilipinas, kaya’t nanatili pa rin ang hurisdiksiyon ng korte sa mga kasong ito.
Dahil dito, aniya, anumang mandato o kautusan na ilabas ng ICC na may kinalaman sa kasong sakop sa panahong iyun ay kinakailangang sundin ng bansa.
Dito na binigyang diin ni Cera na hindi rin umano kayang protektahan ng pamahalaan si Senador Dela Rosa, at hindi rin siya maaaring mabigyan ng immunity, dahil ang kasong kinahaharap niya ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng ICC.
Matatandaang una nang nilinaw ni Cera na hindi pa tuluyang nakakalabas ang Pilipinas sa saklaw ng ICC, sa kabila ng executive order na inilabas noon ni dating Pangulong Duterte matapos ipahayag ang pag-withdraw ng bansa.
Aniya, ang mga kasong nasa loob ng panahon bago ang pagkalas ay patuloy na nasasakupan ng ICC at maaari nitong ipagpatuloy ang imbestigasyon at aksyon laban sa mga opisyal na iniuugnay sa mga kontrobersiyal na operasyon noong mga panahong iyon.









