Tumambad ang selyado at walang taong nadatnan sa condominium unit ni dating Congressman Zaldy Co sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig nang isilbi ng kapulisan ang warrant of arrest laban sa dating mambabatas ngayong araw ng Sabado, Nobiyembre 22.
Tinungo ng mga tauhan ng Southern Police District at Taguig Police Station ang naturang condo ng dating mambabatas para isilbi ang warrant subalit ayon sa caretakers, halos isang buwan ng selyado ang naturang unit.
Wala ding humarap na kaanak o sinuman nang katukin ng mga awtoridad ang pintuan ng condo unit.
Matatandaan, nauna ng inisyu ang warrant of arrest sa dating mambabatas at iba pa, na nakatanggap umano ng malaking halaga ng kickbacks mula sa flood control projects. Subalit nauna naman ng itinanggi ni Co ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Nauna ng sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na kanilang pupuntahan ang mga address ng mga bahay ni Co para sa pagsisilbi ng arrest warrant at kung sakaling nasa ibang bansa pa talaga ang dating mambabatas, hihilingin nila sa International Criminal Police Organization (Interpol) na mag-isyu ng notice para sa pag-aresto kay Co gayundin hihilingin sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang kaniyang pasaporte.










