Dagupan City – Kahit malayo sa Pilipinas, ramdam pa rin ang diwa ng Pasko sa isla ng Bermuda.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ryan De Jesus, Bombo International News Correspondent, bagama’t overseas territory ng United Kingdom at may mayoryang populasyon ng mga Black Bermudians, dumami na rin ang mga dayuhan kabilang ang mga Pilipino na ngayo’y aktibong nakikibahagi sa pagdiriwang ng Kapaskuhan sa bansa.

Kung kaya’t sa 10 taon aniya nitong paninirahan sa isla, nagmumukhang “mala-Pilipinas” na rin aniya ang masiglang Pasko ng Bermuda.

--Ads--

Ilan sa mga tampok na aktibidad ang pag-iilaw ng kanilang giant Christmas tree, pati na rin ang Christmas parade, mga carnival rides, float parade, at maging ang pagsalubong sa “imported” na Santa Claus na taunang inaabangan ng mga bata.

Dagdag pa rito, tampok din ang mga street performances, sayawan, at iba’t ibang community events na nagbibigay ng mas makulay na Pasko sa mga residente at turista.

Isa rin sa mga dahilan kung bakit “home away from home” ang pakiramdam ng maraming Pinoy ay dahil malaya pa rin nilang nagagamit ang wikang Filipino sa araw-araw, bunsod ng lumalaking komunidad ng mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa isla.

Pagdating sa handa, maraming pagpipilian, ngunit isa sa mga karaniwang tampok sa kanilang hapag ay ang turkey, na kadalasang inihahanda rin tuwing Thanksgiving.

Bukod dito, may mga tradisyunal na pagkaing Bermudian tulad ng cassava pie at fish chowder, na kadalasang nagsisilbing espesyal na putaheng pang-Pasko sa bansa.

Sa kabuuan aniya, bagama’t nasa kabilang panig ng mundo, nagiging mas makulay at masaya ang Pasko sa Bermuda dahil sa halo-halong kultura — sa presensya ng mga Pilipinong patuloy na dinadala ang diwa ng Paskong Pinoy saan mang dako ng mundo.