Naglatag ng ilang polisiya at rekomendasyon ang sektor ng mga guro dito sa ating bansa bunsod ng pagkaka antala ng matagal na panahon ang pag-aaral ng mga estudyante.

Ayon kay Shiela Lim Manuel, NCR President ng grupong Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers o ASERT, mainam kung isasagawa ang patakarang ‘No Testing, No School Opening’.

Gayunman, batid nila na kakailanganin ng malaking pondo para dito lalo pa’t wala din namang kasiguraduhan na hindi kakalat sa mga estudyante ang naturang virus kung bubuksan ng maaga ang pasukan ngunit giit nito na dapat maging prayoridad ang kalusugan at kaligtasan ng mga bata.

--Ads--

Lubha ng nakakabahala aniya ang malaking bilang ng mga tinatamaan ng Covid-19 sa ating bansa at hindi lamang nakakatakot sa parte ng mga mag-aaral kundi maging sa kanila bilang mga guro.

Kayat huwag sana aniyang magmadali o magpa dalos-dalos ang Department of Education o DepEd sa magiging desisyon.

Giit ni Manuel na bagamat apektado ang pag-aaral ng maraming kabataan, mayroon pa din naman alternatibong paraan upang ito’y maipag patuloy tulad na lamang ng tinatawag na ‘Peer Teaching and Responsible Adult Teaching’ sa halip na pagkakaroon ng Online Class.

Sa loob lamang ng kabahayan ay maaari pa din naman aniyang matuto ang mga bata sa pamamagitan ng pag gabay at pagtuturo ng kanilang mga magulang o kahit na sinumang nakatatanda sa kanila.

Dagdag pa ni Manuel, hindi din naman mahuhuli o maaapektuhan ang learning system ng mga estudyante dito sa ating bansa dahil unang-una, hindi lang naman ang ating nasasakupan ang dumaranas ng naturang sakit at nagkaroon ng pagka antala sa pag-aaral.