Ikinabahala ng sektor ng mangingisda ang mabagal na pamamahagi ng ipinangakong cash aid ng pamahalaan para sa mga apektado ng krisis sa presyo ng langis.
Ayon kay Roberto Ballon, Chairperson, Katipunan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas marami pa ring mangingisda ang hindi nakatatanggap ng fuel subsidy mahigit isang buwan matapos ipangako ng gobyerno ang ayuda.
Sinabi ni Ballon na ang ayuda, na umaabot umano sa P2,000 hanggang P3,000 kada benepisyaryo, ay inilaan upang makatulong sa mga mangingisdang lubhang naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ipinaliwanag niya na kinakailangang nakarehistro ang mga benepisyaryo sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at sa fisherfolk registration system upang matiyak na lehitimong mangingisda ang makatatanggap ng ayuda.
Binanggit din niya na sa Region 9 o Zamboanga Peninsula, na may malawak na coastal areas kabilang ang Basilan, Sulu, at iba pang karatig lugar, marami pa ring mangingisda ang hindi naaabot ng ayuda dahil sa lawak ng rehiyon.
Ayon kay Ballon, kahit makatanggap man ng subsidiya, hindi pa rin ito sapat upang tugunan ang epekto ng patuloy na krisis sa sektor ng pangingisda.
Nanawagan din siya sa pamahalaan na palakasin ang proteksyon sa municipal waters upang mabigyan ng prayoridad ang maliliit na mangingisda laban sa malalaking commercial fishing vessels.
Dagdag pa niya, mahalagang magkaroon ng pangmatagalang suporta sa sektor at hindi lamang ayuda tuwing may krisis. Kabilang sa kanilang mga mungkahi ang pagbibigay ng post-harvest facilities, cold storage, puhunan para sa mga kooperatiba, at suporta sa value-adding livelihood projects.










