DAGUPAN CITY- Nakatakdang dadagdagan ang pwersa ng kapulisan upang tiyakin ang seguridad matapos itaas ang alerto ng seguridad sa ilang bayan at lungsod sa lalawigan ng Pangasinan, dahil idineklara ito bilang “areas of concern.”
Kasabay nito, tatlong kandidato sa lalawigan ang naalis sa opisyal na balota matapos ideklara bilang nuisance candidates.
Ayon kay Atty Ericson Oganiza, Provincial Election Supervisor, Commission on Election (COMELEC) Pangasinan, itinataas sa yellow alert category ng areas of concern.
Ang pwersa ng kapulisan ay magsisilbing dagdag proteksyon sakaling lumala ang sitwasyon sa mga nasabing lugar.
Sa mga bayan ng San Manuel, Lingayen, at Manaoag, tatlong kandidato ang naalis sa opisyal na balota.
Ang mga ito ay isang kandidato para sa pagka-Mayor sa bayan ng San Manuel, at dalawang kandidato para sa pagka-Councilor sa mga bayan ng Lingayen at Manaoag.
Hindi umano umapela ang mga ito matapos hindi matagumpay na mapawalang-bisa ang mga desisyon, at wala ring isinagawang Temporary Restraining Order (TRO).
Paglilinaw ni Atty Oganiza, idineklara silang nuisance candidates at hindi bilang diskwalipikado.
Samantala, sumasailalim naman sa patuloy na monitoring ang walong bayan at lungsod na kabilang sa mga itinuturing na “areas of concern” sa lalawigan.
Para kay PCol. Rollyfer Capoquian, Provincial Director, Pangasinan PPO, sa ngayon, nananatiling payapa ang sitwasyon sa mga nasabing lugar.
Napabilang ang mga ito sa areas of concern dahil sa mga insidenteng may kinalaman sa politika na nangyari sa nakaraang mga eleksyon.
Layunin ng hakbang na ito na maiwasan ang pag-ulit ng mga insidenteng ito sa mga darating na halalan.
Patuloy din ang pagmomonitor sa lahat ng bayan at syudad sa lalawigan upang matukoy kung may mga lugar na kailangang idagdag o alisin mula sa listahan.