Inaasahan na umano ang tangkang pag-atake kay US President Donald Trump matapos ang tangkang pamamaril sa White House Correspondents’ Dinner.

Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa Amerika, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, mas hinigpitan pa ang seguridad ng pangulo kasunod ng insidente, lalo’t ilang ulit na rin umanong nagkaroon ng mga pagtatangka sa kanyang buhay.

Dagdag pa niya, mas pinaiigting ang seguridad dahil sa umiiral na tensyon sa pagitan ni Trump at ng Iran.

--Ads--

Sinabi rin ni Pascual na maituturing na isang traumatikong karanasan ang nangyari para sa pangulo at sa First Lady na si Melania Trump.

Dahil sa serye ng mga banta sa kanilang seguridad, binigyan din ng karagdagang proteksyon ang mga anak ng pangulo.

Sa ngayon, patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang alamin kung paano nakapasok ang suspek at kung paano pa mapipigilan ang katulad na insidente sa hinaharap.

Samantala, ipinagpaliban muna sa ibang oras ang press conference ng pangulo.

Matatandaang sina Pangulong Trump at First Lady Melania Trump ay nasa kalagitnaan ng pag-uusap sa Washington Hilton nang maganap ang sinasabing tangkang pamamaril.

Agad silang inilikas kasama si Vice President J.D. Vance at ilang miyembro ng gabinete.

Ayon sa ulat, ito na ang ikatlong beses na naiulat na naging target si Trump ng tangkang pag-atake, kabilang ang insidente sa Butler, Pennsylvania noong 2024 rally.

Napansin din na ang naturang insidente ay naganap sa parehong hotel kung saan tinangkang patayin si dating US President Ronald Reagan noong 1981.