Dagupan City – Inilahad ni Binmaley Mayor Pedro “Pete” A. Merrera III ang mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapalakas ang kahandaan ng bayan sa mga kalamidad at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
Aniya, ang tunay na sukatan ng isang matatag na pamahalaan ay ang kakayahan nitong tumugon sa panahon ng sakuna at iba pang hamon.
Ayon sa alkalde, nagsagawa ang pamahalaang bayan ng iba’t ibang pagsasanay para sa mga rescue team, kabilang ang basic life support, cardiopulmonary resuscitation (CPR), first aid, at iba pang emergency response training.
Patuloy rin ang pag-update sa Enhanced Local Disaster Risk Reduction and Management Plan at pakikipag-ugnayan sa Office of Civil Defense upang higit pang mapalakas ang kahandaan ng mga responder at mga opisyal ng barangay.
Sa usapin naman ng kapayapaan at kaayusan, iniulat ni Merrera na umabot sa mahigit P2 milyon ang halaga ng mga ilegal na droga na nakumpiska sa mga isinagawang operasyon sa unang anim na buwan ng taon.
Naitala rin ang pagkakaaresto sa 20 wanted persons, kabilang ang ilang most wanted personalities sa antas ng lalawigan, lungsod, at munisipalidad.
Dalawang operasyon laban sa ilegal na baril ang naisagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal at pagkakasamsam ng pitong loose firearms.
Binigyang-pansin din ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan sa lansangan sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga batas trapiko.
Sa loob ng anim na buwan, nakapagproseso ng 1,719 traffic citation tickets ang mga awtoridad laban sa iba’t ibang paglabag tulad ng hindi pagsusuot ng helmet, kawalan ng driver’s license, at iba pang paglabag sa batas-trapiko.
Ayon sa alkalde, ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin ay nakatuon sa pagligtas ng buhay at pagpapalakas ng disiplina sa kalsada.
Kasabay nito, mas pinalakas din ang seguridad sa mga paaralan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inspeksyon sa mga sasakyan at iba pang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Personal ding pinondohan ni Mayor Merrera ang pagbili ng mga NTC-authorized handheld radios para sa Binmaley Municipal Police Station upang mapabuti ang komunikasyon ng mga pulis sa panahon ng operasyon at emergency response.









